Jeff Plantilla
ISANG ARAW SA ATING BUHAY
Mahalaga sa ating buhay na matutunan ang mga bagay na maaaring kailanganin kapag may problema. Ito ay lalong kailangan nating mga nakatira sa labas ng Pilipinas. Maraming bagay ang kailangan nating alam mula sa impormasyon kung nasaan ang Philippine Embassy hanggang sa impormasyon tungkol sa upisina na para sa mga temporary residents, ang ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Pagbabago
Dati-rati ay 2 lamang ang Philippine Consulates sa Japan – isa sa Tokyo at isa sa Osaka (na dating nasa Kobe). Marami pa ring mga kababayan na tinatawag na embassy ang Philippine Consulate sa Osaka. Hindi pa rin malinaw kung ano nga ba ang Consulate at ang mga gawain nito.
Dati-rati ay may Philippine Labor Office (POLO) sa Osaka, tapos nawala at sa maraming taon ay isang upisina lang meron ang POLO – nasa Tokyo. Pero nagbukas muli ng upisina ang POLO sa Osaka. At kailan lamang ay nabago ang pangalan ng POLO at naging Migrant Workers Office (MWO).
Nagkaroon na rin ng pangatlong Philippine Consulate sa Japan. Nagbukas ng Consulate sa Nagoya para sa Chubu region na sakop ang Aichi, Gifu, Shizuoka at iba pang prefectures na tinitirhan ng maraming Pilipinong residente.
OFWs
Isa sa dumadaming bagong Pilipinong residente sa Japan ay ang mga OFWs na dumadating bilang technical intern trainees o kaya man ay Specified Skilled Workers (SSW).
Magandang lugar para sa OFWs ang Japan dahil sa maayos na trabaho. Hindi marami ang mga lumalabas na problemang seryoso.
Marami din sa kanila ay may konting paghahanda sa pagtatrabaho sa Japan. Nag-aral kahit konti ng Japanese language at may agency sila sa Pilipinas na may partner na agency (kumiai) dito sa Japan.
Registered sila sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA) at MWO sa Japan.
Mabilis din silang makakuha ng mga impormasyon tungkol sa Japan at maka-kontak sa ibang OFWs dahil sa smartphone.
Nguni’t hindi pa rin masasabi na walang problema ang mga OFWs sa Japan. May report ang United Nations nitong Agosto 2023 na ang mga technical intern trainees at iba pang migrant workers mula sa iba’t-ibang bansa ay nakakaranas ng problema sa bahay na tinutuluyan, mataas na singil ng mga agencies, at mas mababang sweldo kaysa sa mga Hapones sa parehong trabaho. May mga paminsan-minsan ding balita na ang ating OFWs ay naha-harass sa trabaho at sinasaktan ng mga kapwa manggagawang Hapones.
Dahil dito, mahalagang malaman kung saan pupunta o saan magtatanong kung sakaling may problema ang mga OFWs.
Dialogue para sa OFWs
Noong Nobyembre 12, 2023 sa Osaka, isang dialogue ang naganap sa pamamagitan ng ilang OFWs at opisyales ng MWO Osaka. Pinangalanan itong “Dialogue with Labatt Estrada.” Nakipagdialogue ang mga OFWs kay Ms Elizabeth Marie R. Estrada, Labor Attache II at Head of MWO Osaka, kasama ang ilan pang opisyales ng MWO.
Nagtanong ang mga OFWs kay Labor Attache Estrada tungkol sa marami-raming bagay kaugnay sa kanilang trabaho.
Issue pa rin ang pagbabawal ng direct hire para sa mga Pilipinong nakakuha ng trabaho habang nasa Japan, tulad ng mga estudyanteng nagkatrabaho pagkatapos ng pag-aaral. Walang problema sa Japan ang pagkuha ng trabaho ng mga Pilipino, pero bawal ito sa Pilipinas dahil direct hire. Kailangang may agency sa Pilipinas at registered ang employment contract sa POEA at MWO. Dahil dito, wala silang overseas employment certificate (OEC) na kailangan para makabalik sa Japan kung uuwi sa Pilipinas. Ipinaliwanag ng MWO na ang pagbabawal sa direct hire ay para sa proteksyon ng mga OFWs.
Buti na lang at inaayos ng MWO ang isyung ito na involved ang mga Pilipinong residente na sa Japan.
Naging issue din ang kaso ng mga dating trainees na naging SSW habang nasa Japan. Walang problema sa Japan ang pagpapalit ng status nila bilang workers mula trainees at naging SSWs. Mabibigyan sila ng working visa. Pero kung hindi registered sa POEA at MWO ang kanilang bagong employment contract bilang SSWs, hindi rin sila makakakuha ng OEC at kaya hindi sila makakabalik sa Japan kung uuwi dahil hihingan sila ng OEC ng airport immigration officers sa Pilipinas.
Sa kasong ito, payo ni Labor Attache Estrada na iparehistro ang kanilang employment contract para maayos na rin ang kanilang OEC. May mga forms para dito na maida-download sa website ng MWO Osaka. Kailangan ng tulong ng kanilang kumiai at kaisha para maiayos ang documents ng mga SSWs.
At kung sakaling may mga problema ang mga OFWs mula sa kanilang kumiai at kaisha, hinihimok ng MWO na ireport sa kanila ang mga problema para masabihan nila ang kumiai at kaisha na ayusin ang mga ito.
Sa mga isyu na pinag-usapan sa dialogue, isang bagay ang malinaw. Ang payo ng MWO ay ireport sa kanila ang mga problema para sila ay makatulong. May mga phone numbers at e-mail addresses ang MWO Osaka na magagamit para sa iba’t-ibang isyu ng mga OFWs.
Nabanggit din ni Labor Attache Estrada na magkakaroon ng Employment Facilitation Desk para sa Japan na magsisimula sa Nobyembre 2023. And desk na ito ay may “dedicated line” para sa processing ng mga dokumento para sa Japan, magbibigay ito ng recognition sa mga kaisha na maganda ang record at magsasagawa ito ng “stakeholders dialogue” tungkol sa mga isyu ng OFWs. Sana ay makatulong ito sa pagdami pa ng mga OFWs sa Japan.
Nasabi rin na mawawala na ang papel na OEC at papalitan ng OFW Pass, na isang online-based record. May app para sa OFW Pass para magamit ito nang husto. Ang bisa ng OFW Pass ay kasing tagal ng employment contract na nai-register. Magagamit din daw ang OFW Pass sa transakyon sa mga upisina ng gobyerno sa Pilipinas.
Maraming bagay ang napag-usapan sa maikling panahon ng “Dialogue with Labatt Estrada.” Mahahalagang impormasyon ang lumabas.
Sayang lamang at hindi nakapunta ang ilang OFWs na inanyayahan sa dialogue na ito. Sana ay libre sila, at may interes, sa ganitong pagtitipon na para sa kanilang kabutihan.
OISA
Ang “Dialogue with Labatt Estrada” ay isang activity ng OFW-Immigrant Osaka (OISA) Handog Pagkakaisa. Ang OISA ay isang taon gulang pa lamang na samahang binuo sa Osaka at may layuning tulungan ang mga OFWs. Si Sharon Rose C. Tanaka ang Founder ng OISA.
Ang dialogue ang kauna-unahang pag-uugnayan ng OISA at MWO Osaka. Sana ay marami pang pag-uugnayan ang mangyari sa dalawang ito.
Pagkatapos ng dialogue, pinanumpa sa tungkulin ni Labor Attache Estrada ang mga OISA Officers kasama si Sharon Rose C. Tanaka bilang Founder at sina Ma. Liberty P. Suzuki bilang President, Brian Jason M. Limbaga bilang Vice-President, Emelita Soledad bilang Secretary, Teresa Calisin bilang Assistant Secretary, Diosdado Telles bilang Treasurer, Khaled Roy Portento at Feliciano Puno, Jr. bilang Public Relations Officers, Jubel Quero bilang Sargeant-at-Arms, at Maria Teresa Shimoda bilang Health and Fitness Coordinator. Hindi nakarating ang Assistant Treasurer na si Mary Joy Carolina at ang Auditor na si Roderick Velasco.
Gambarimasho sa mga OISA Officers.
Marami pang magagawa ang OISA para makatulong sa ating OFWs.
ISANG ARAW SA ATING BUHAY
Maraming natututunan sa pagbisita sa ibang bansa. Mayroong bagay na hindi makikita sa Pilipinas ang napapansin sa ibang bansa.
Ang pagbiyahe para sa anumang dahilan ay maaaring daan para maging mas malawak ang pag-iisip at mas mabigyan ng halaga ang mga bagay-bagay.
Kamikaze
Sinasabi na ang salitang kamikaze ay nabuo nung 13th century. Dalawang beses na tinangka ni Kublai Khaan na sakupin ang Japan nung panahong yon, pagkatapos niyang masakop ang China at Korea. Nguni’t parehong bigo ang tangkang pagsakop. Nasira ng bagyo ang mga barko ng mga Mongolians habang nasa Hakata bay. Malamang na hindi nila alam ang panahon ng bagyo. Kaya’t dalawang beses na sinira ng bagyo ang mga barkong nasa tabing dagat ng Japan.
Inisip ng mga Hapones na ang bagyong yon ay bigay ng Diyos (Kami) para pigilan ang pagdating ng mga Mongolians sa Japan. Ang malakas na hangin (kaze) na dala ng bagyo ang tinawag na kamikaze – hanging bigay ng Diyos.
Nguni’t nakarating ang mga Mongolians sa Vietnam at Indonesia nung 13th century bagama’t bigong masakop ang mga lugar na ito.
Chinggis Khaan
Si Kublai Khaan ay apo ni Chinggis Khaan. Kilala si Kublai Khaan sa kanyang pananakop sa maraming bansa.
Si Chinggas Khaan naman ay itinuturing na nagbuo ng bansang Mongolia.
Ang kanyang estatuwa ay nasa bungad ng main government building sa Ulaanbatar. Merong museum na nasa kanyang pangalan sa tabi ng main government building na ito. Pero may malaki siyang estatuwang stainless steel sa labas ng Ulaanbaatar, na sinasabing pinakamalaki sa buong mundo sa ganung uri ng metal. Siya rin ang mukhang nasa pera ng Mongolia, ang turgik.
Modern Ulaanbaatar
Ang kapital ng Mongolia ay Ulaanbaatar. Maraming mga matataas na modern buildings – office at apartment buildings. May mga itinatayo pang high-rise buildings.
Maraming high-rise apartments din sa labas ng Ulaanbaatar. Kahit napakalawak ng bakanteng lupa sa paligid ng Ulaanbaatar, mas gusto pa ang high-rise apartments kaysa sa single unit houses. Dala kaya ito ng malaking income ng mga tao o malakas lang ang promotion ng high-rise apartments?
May shopping malls din. Maraming convenience stores – ang C U convenience store ng Korea. May CU convenience stores sa iba’t-ibang lugar ng Ulaanbaatar – kaya mabilis ang pagbili ng mga pagkain, inumin at iba pa.
Nguni’t nahirapan akong makahanap ng restaurants ng Mongolian food. Mas marami pa akong nakitang Korean restaurants sa Ulaanbaatar.
Ang taxi ay parang Grab sa Pilipinas – kailangan kontakin online. Walang marka ang mga taxi. Tulad din sa atin na Grab taxi, private owners siguro ang sasakyan na ginagamit na taxi.
Ang kakaiba ay puwedeng maging taxi ang kahit anong sasakyan. Kahit aling private car ay puwedeng kumuha ng pasahero sa kalye at maging taxi.
Pagdating sa bayaran, private car man o tunay na taxi, digital payment lagi. Babayad sa pamamagitan ng smartphone. Walang perang kasama. Napakabilis.
Minsan, isang private car ang aming napara. Ang driver ay matanda na at may kasamang isang maliit na bata (malamang ay apo). Ganun din, sa pagbayad, smartphone ang gamit – parang G-cash siguro sa atin. Maliban sa convenient na bayaran, may record pa ang pagbabayad dahil sa account ng driver ipinadadala ang pera.
Hindi rin problema ang wifi. Ang mga restaurants na napasukan ko ay may wifi. Mabilis ang speed at libre! Hindi issue ang access, may sign na nakalagay ang password o kaya ay itatanong mo lang ang password at ibibigay. Ang ganda ng service!
Isang tanging produkto ng Mongolia ay ang telang gawa sa cashmere – balahibo ng kambing. Maraming uri ng telang cashmere na gawa sa Mongolia. High quality at fashionable ang mga cashmere sweaters at iba pang damit na gawa din sa Mongolia. Mahal ang damit na gawa sa cashmere. At kung hind ka marunong maglaba ng damit na cashmere, bigla yong liliit at hindi na magagamit. Yan ang warning sa akin. Pero maganda raw sa winter ang damit na cashmere.
Nalaman ko rin na hindi na ginagamit ang Russian language na dating gamit nung panahon ng Cold War na kontrolado ng USSR ang Mongolia. Ang mga matatanda na lamang ang nagsasalita ng Russian dahil ito ay pinag-aralan nila sa school. Mas popular na ngayon ang English at baka ibang lenggwahe tulad ng Chinese o Korean.
Pero ang sulat nila ay cyrrilic pa rin, yung Russian writing. Ang mga signs ay may cyrillic letters. Ito ang natitirang koneksyon ng mga Mongolians sa Russia. Pero nag-aaral na rin sila ng kanilang sariling writing, na planong ipapalit sa cyrillic letters.
Pope Francis
Kailan lang ay bumisita si Pope Francis sa Mongolia. At nasa balita na mahigit lamang sa 1,000 ang mga Katoliko sa Mongolia. Maswerte ang mga Mongolian Catholics dahil nabisita sila ni Pope Francis.
Parang mahina ang relihiyon sa Mongolia. Nagkaroon ng revival ang Buddhism, na hawig sa Tibetan Buddhism, sa Mongolia nung maging democratic ang bansa nung 1990s. Pero sa ngayon ay mahina daw ang pananampalataya sa Buddhism. Ang isang lumang Buddhist temple na nakita ko sa Ulaanbaatar ay hindi maayos – kulang sa linis at maintenance/repair.
Mas lumalakas pa ang Christian churches tulad ng mga Korean Christian churches.
Mongolian culture
Nguni’t malakas pa rin ang tradisyonal na kultura ng mga Mongolians. Marami pa rin sa kanila ang tumitira sa ger, yung traditional na bahay na makakalas at maililipat sa ibang lugar dahil sa nomadic sila nung una. Nagkakaron pa rin sila ng traditional sports tulad ng wrestling at archery. Ginagamit bilang formal dress ang traditional dress nila. Ang pagkanta ay throat singing pa rin kasabay ng traditional musical instruments.
Panghuli
Tulad sa alinmang bansa, may problema din ang Mongolia.
Habang umuunlad, lalong nagiging moderno. May naiiwan tulad ng relihiyon (Buddhism), at may bagong kinagigiliwan (napakataas na percentage ng paggamit ng Facebook ng mga Mongolians kumpara sa total population).
Minsan, sa paghihintay ng taxi sa kalye sa Ulaanbaatar, may sumenyas na sumakay sa kotse niya. Akala ko taxi. Hindi pala, gusto lang makipag-usap sa hindi Mongolian. Tinanong muna ako kung taga-saan ako. Tapos, nagtanong: ano daw ang tingin ko sa Mongolia.
Tapos nagsabi siya na hirap daw sa tubig ang rural areas ng Mongolia. Yun ang isang problema.
Magandang tingnan ang napakalawak na landscape sa labas ng Ulaanbaatar. Kita mo ang susunod na bayan sa malayo dahil walang nakaharang ng puno o bundok. Damo lang ang nasa harap mo.
Nguni't, sa kabila ng magandang tanawin, hindi biro ang kakulangan sa tubig. Hindi biro ang paghahanap ng tubig na gagamitin sa araw-araw na pangangailangan.
ISANG ARAW SA ATING BUHAY
Pambansang Kalayaan
Ika-125 taon na ang pagdiriwang natin ng Pambansang Kalayaan nitong nakaraang buwan ng Hunyo.
Ano ang kahalagahan ng taon-taong pagdiriwang natin ng Pambansang Kalayaan?
Ano ang maidudulot nito sa atin bilang mga Filipinong nasa labas ng bansa?
Kalayaan para kanino? Para saan?
Ipinagmamalaki natin ang ating sariling pagkakakilanlan (identity) bilang Filipino – mga mamamayan ng isang malayang bansa. Nagsusuot tayo ng ating tradisyunal na damit kahit isang araw lang sa isang taon para magbigay pugay sa ating bansa.
Nguni’t may kahulugan din ang kalayaan para sa bawa’t araw ng ating pamumuhay dito sa Japan. Hindi lamang ito mahalaga sa isang araw bawa’t taon.
Dala-dala natin ang ating pagiging Filipino sa ating pamilya (kasama ang Filipino-Japanese families), sa ating trabaho, sa ating pakikisama sa mga Hapones at mga taga-iba pang bansa.
Ang pagkalinga natin sa pamilya sa Filipinas mula sa ating pagod dito sa Japan ay isang halimbawa ng araw-araw ng pagdiriwang ng kalayaan ng ating bansa.
Gusto nating umunlad ang ating pamilya na siyang magdudulot ng pag-unlad ng ating bansa. Malaking porsyento ng Gross Domestic Product o yung yamang pumapasok sa ekonomiya ng bansa ay mula sa atin – mga Filipinong nasa labas ng Filipinas.
Hindi hadlang ang pagtulong sa pamilya sa pagtulong sa bansa. Ang pag-unlad ay sumasakop sa pamilya at bansa nang sabay.
Ang paggawa ng negosyo sa bansa ng mga Filipinong nasa labas ng Filipinas ay malaking tulong sa pambansang ekonomiya.
Nangangahulugan na wala man tayo sa Filipinas, hindi tayo hiwalay sa pag-unlad ng bansa.
Kaya’t mahalaga ang kabutihan ng pamumuhay natin dito sa Japan upang patuloy nating matulungan hindi lamang ang ating pamilya kundi ang bansa.
Dahil dito, kailangan nating pagsikapan na magkatulong-tulong sa mga gawaing makakabuti sa ating mga kababayan – Overseas Filipino Workers o OFWs at ang mga residenteng Filipino - dito sa Japan.
Kailangang magkatulungan ang mga ahensiya ng ating pamahalaan na may upisina dito sa Japan at ang mga komunidad ng mga Filipino sa nagkaka-isang layuning maging maayos ang ating pamumuhay at paghahanap-buhay dito sa Japan.
Kaya mahalagang makaugnay nang tapat at nang may sigla ang mga opisyales ng Philippine Consulate General, Migrant Workers Office (dating POLO), Philippine Trade and Industry Center at Department of Tourism para sa maayos na tulungan sa pagkalinga sa mga Filipinong may pangangailangan dito sa Japan o sa pagsuporta sa mga nagtataguyod ng hanap-buhay sa Filipinas.
Tandaan natin:
Ang bansang maunlad ay mas lalong malaya.
At kung iisa ang ating patutunguhan, iisa rin ang ating pagtutulungan – ang kabutihan nating lahat.
Mabuhay ang ating pagkakaisa! Mabuhay ang ating pagtutulungan! Mabuhay tayong lahat! Mabuhay ang bansang Filipinas!!!
Ang artikulong ito ay batay sa paunang pananalitang ibinigay ko sa pagdiriwang ng ika-125 taon ng Pambansang Kalayaan na ginanap sa Osaka noon Hunyo 11, 2023 sa pangunguna ng mga opisyales ng OFW-Immigrant Osaka o OISA. Kasama sa pagdiriwang na ito ang ilang mga komuidad ng mga Pilipino sa Kansai. Ang pagdiriwang na ito ay bahagi ng hangarin ng OISA na maging tulay sa pagtutulungan ng lahat sa pagharap sa mga suliranin ng mga OFWs at residenteng Filipino sa Japan.
© Jeff Plantilla 2023
Jeff Plantilla
ISANG ARAW SA ATING BUHAY
Minsan sa isang session ng English speaking group ng mga Japanese sa Nara, sinabi ko na ang mga Filipinong technical intern trainees na kilala ko ay mga bata pa, talented at well-educated.
May lisensiyadong professionals tulad ng mga engineers (civil, mechanical, computer). Ngunit bilang trainees sa Japan, maaaring hindi akma ang academic background sa trabahong ginagawa.
Meron din namang mga bata pang Filipino na dumating sa Japan para magtrabaho na ayon sa kanilang gustong propesyon tulad ng mga English assistant language teachers at engineers na naka-assign sa Japan mula sa company nila na nakabase sa Filipinas.
Impluwensiya sa mga komunidad
Sa Shiga, ang mga batang technical intern trainees ay may magandang ambag sa ilang komunidad ng mga Filipino doon. Sa mga church-based na komunidad, ang mga batang technical intern trainees ay naging active sa misa, recollection/retreat at ibang religious activities.
Dahil sa kanilang talent, may tumugtugtog ng gitara o ibang instrumento at kumakanta sa choir sa misa. Pag may mga social activities, sila ang kumakanta at sumasayaw, at tumutulong sa mga gawain. May magaling sa computer at nakakatulong sa paggawa ng mga report at sa paggamit ng computer at projector sa mga activities.
Ang komunidad ang kanilang naging sandalan sa kanilang pamumuhay dito sa Japan. Nagkaroon sila ng mga Ate at Kuya, minsan ay Nanay at Tatay sa komunidad.
Nagdala sila ng tulong at saya sa mga komunidad.
Dating role ng mga estudyante
Ang ganitong role ng mga batang technical intern trainees at mga professionals sa mga komunidad ay siyang ginagawa ng mga estudyanteng Filipino noong sila pa lamang ang mga batang Fiipinong sumasama sa mga komunidad ng mga Filipino.
Nakakatulong ang mga estudyante sa mga pagsusulat, sa pag-aayos ng mga reports, sa paggawa ng marami pang gawain sa komunidad.
Ang ilan sa mga estudyante ay nangangailangan din ng komunidad para sa kanilang research. Kaya't naging bahagi ang komunidad sa kanilang pag-aaral sa Japan (masteral at doctoral courses).
Bagong salta
Mula nung 2017, nagkaroon ng bagong mga batang Filipino na dumating sa Japan bilang estudyante na nag-aaral ng Nihonggo. Pagkalipas ng ilang taon, nag-aaral naman sila sa senmon gakko para sa caregiving course. Marami din ang nakapasa sa caregiving exam at nagtrabaho sa caregiving institutions.
Ang kaibahan nila ay ang kanilang kahandaan sa pagtatrabaho sa Japan. Ang pag-aaral ng Nihonggo ang una nilang ginagawa, bago ang pag-aaral sa senmon gakko. Ang kaalaman nila sa Nihonggo at yung natutunan sa senmon gakko ay malaking advantage sa kanilang pagtira sa Japan.
Nakakaya nilang sila lamang ang magsama-sama. Maaaring ito ang dahilan kung bakit hindi sila masyado malapit sa mga komunidad. Mas handa silang mamuhay sa Japan ng nagsasarili dahil sa kakayanan nilang mag Nihonggo.
At kung sila ay magkatrabaho na, maaaring hindi na sila involved sa komunidad sa weekends para may sarili silang oras sa pagpapahinga.
Pagbabago ng sitwasyon
Dumadami pa rin ang mga Filipino sa Japan dahil sa technical intern trainees, yung mga nag-aaral para maging careworkers sa Japan, ang mga assistant language teachers at maaaring iba pang trabaho.
Nguni't kung ikukumpara ang pagdami ng mga Filipino sa mga mula sa ibang bansa, mas marami ang dumarating na Vietnamese, Sri Lankans, Nepalese, Chinese at iba pa. Mas malaki ang porsiyento nila sa non-Japanese labor force ng Japan.
May malaking pangangailangan ang Japan sa mga workers. At kaya patuloy ang recruitment ng mga workers mula sa iba't-ibang bansa.
Pero bakit hindi natin magamit nang husto ang pagkakataong ito?
Malapit lang ang Japan sa Filipinas. Maayos ang pangkalahatang kalagayan ng seguridad at mga pasilidades sa Japan. May social at religious support ang mga Filipino mula sa mga kababayang narito, sa kanilang komunidad at sa simbahan (Katoliko, Protestante, at iba pa) na puwedeng takbuhan kung kailangan. Meron ding mga non-profit organizations (NPOs) na tumutulong sa mga hindi Hapones kasama ang mga Filipino.
Alam din natin na marami ding lugar sa Japan na walang komunidad ng mga Filipino, simbahan o NPO. Pero maganda pa rin ang sitwasyon sa Japan para sa mga gustong magtrabaho dito.
Ang tanong, bakit hindi kasing dami ang dumarating na mga Filipino kumpara sa galing sa ibang bansa sa Asya?
Ano kaya ang dahilan?
Ayaw magtrabaho sa Japan?
May mga Filipino nurses na nakapasa sa nursing exam ng Japan sa ilalim ng Japan-Philippine Economic Partnership Agreement (JPEPA). Nag-aral sila ng ilang taon para sa exam (sa Nihonggo) kaya’t hindi biro ang kanilang pagsisikap na maging nurse sa Japan.
Pero may ilan akong nakilalang ganitong nurses na wala na sa Japan.
Ang nakilala kong umalis ay nakapagtrabaho na sa ospital sa Japan. May 2 dahilan na lumalabas. Isang dahilan ay tungkol sa trabaho bilang nurse. Hindi nila nakikita na magiging maayos pa ang kanilang career bilang nurse sa Japan. Hindi nila nakikita na mapo-promote sila o may matutunan pang mataas na kaalaman o kakayanan. Kumbaga, routinary work ang ginagawa nila araw-araw. Dahil dito, mas gusto na nilang umalis sa Japan.
Ang pangalawang dahilan na nalaman ko ay tungkol sa dati nang plano na magtrabaho bilang nurse sa ibang bansa. Nagpunta sa Japan, nag-aral ng ilang taon, nakapasa sa exam, at nagka-trabaho pero nung dumating ang visa papuntang Amerika, umalis na.
Meron din namang iba na ayaw nang tumagal sa Japan pagkatapos ng ilang taon ayon sa kontrata dahil sa ibang bansa na gustong pumunta.
Sistema ng pagpapadala ng workers ang problema?
Meron ding sinasabi na ang problema ay ang sistema ng pagpapadala ng workers sa Japan. Matagal at maraming requirements bago makatanggap ng workers ang Japanese companies. Kung gusto man ng mga companies ang mga Filipino workers pero hindi naman sila makakarating sa tamang panahon, mapipilitan silang kumuha sa ibang bansa na mas mabilis magpalabas ng kanilang manggagawa.
Hindi ba tayo ganun ka-organized kaya mabagal ang processing ng mga dokumento para sa ating workers?
Kahalagahan ng mga non-Japanese workers
Maraming ikabubuti ang pagdating ng mga non-Japanese workers sa Japan. Unang-una, ang pangangailangan sa kanila ng mga kompanyang ayaw pasukan ng mga Japanese workers. Dumarami na rin ang mga Hapones na nagre-retire at kailangan ng kapalit lalo na para sa mahihirap na trabahong mahalaga sa ekonomiya ng Japan. Nagkukulang ng workers ang mga maliliit na kompanya.
Mahalaga ang mga Filipino workers na dumarating sa mga komunidad dahil ang mga residenteng Filipino ay nagtatandaan na rin. Ang mga bagong dating na Filipino ang maaaring magbigay sigla sa mga komunidad na ito.
Kung dati ay tinutuligsa ang labor export policy ng pamahalaan, ngayon ay ipinaglalaban na ang kalayaang magkapagtrabaho sa ibang bansa.
Sana ang Japan ay mabiyayaan ng marami pang mga kababayang manggawa.
© Jeff Plantilla 2023
Jeff Plantilla
ISANG ARAW SA ATING BUHAY
Bago naging uso ang “leave no one behind” o “no one left behind," meron na tayong “walang iwanan.” Madalas itong ginagamit ng isang barkada o grupo na nangangako ang lahat na kabarkada o kagrupo na magsasama-sama kahit anong hirap ang danasin.
Magandang gamitin ang ganitong salita para sa lipunan. Pag sinabing “walang iwanan” ang lahat sa lipunan ay magsisikap na mapabuti ang bawa’t isa. Nguni’t alam natin na ito ay napakahirap gawin sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan. Nagkakahiwa-hiwalay tayo dahil sa maraming dahilan tulad ng pulitika. Iba-iba rin ang katayuan ng mga tao dahil sa sistema ng kabuhayan.
Naisulat ko na ito sa Jeepney Press dati na maganda ang slogan na “We Win as One” para sa 2019 SEA Games – pagkakaisa sa sports. Sabi nga nila, ang mahalaga ay hindi ang panalo kundi kung paano nanalo. Kung malinis at magaling ang laro, hinahangaan ka. Kung nandaraya, halos walang halaga ang gintong medalya.
Ito ay naging “We Heal as One” – mensaheng pagkakaisa sa panahon ng pandemya.
Beggar Thy Neighbor?
Sa karaniwang buhay, natural na ang pagtawad sa pagbili sa palengke. Nguni’t hindi maaring ang pagtawad ay kumain sa kapital ng nagtitinda. Kaya sabi nila “kapital na po” para sabihin na hindi na kayang ibaba pa ang presyo.
Ito rin ang aking karanasan nung nakikipagtawaran ako sa isang printer ng aming libro. Sabi niya sa akin, magtulungan tayo. Medyo napahiya ako sa sinabing yon. Naramdaman ko na sarili ko lang ang iniisip ko, at wala akong pakialam sa taong tutulong sa aking proyekto.
Bakit nga hindi magtulungan? Bakit hindi “live and let live”? Bakit hindi “win-win”?
Bakit natin gugustuhin na hindi gumanda ang kalagayan ng iba, at sarili lang natin ang mahalaga?
Bakit “beggar thy neighbor” at hindi “prosper thy neighbor”?
Ang pagtaas ba ng bilihin sa atin sa Pilipinas ay dulot ng “beggar thy neighbor” na pag-iisip? Sa sibuyas, sino ang kumita nang sobra-sobra – importer? trader? smuggler? government officials – o all of the above? Sino ang namulubi – magsasaka ng sibuyas? Malamang. Sino pa ang apektado? Mga karaniwang mamamayan.
Endanger Thy Neighbor
Ang isang halimbawa ng pagnenegosyo na makakasama sa tao ay yung kaso ng Theranos. May blood analysis service ang Theranos na gamit ang isang maliit na gadget na makakapag-analyze daw ng isang patak lamang ng dugo. Dito humanga ang mga tao – isang maliit na gadget na may kakayanang malaman ang iba’t-ibang sakit gamit ang isang patak ng dugo. Nagsikap ang may-ari ng Theranos na si Elizabeth Holmes na makipag-usap sa mga taong mayayaman sa Amerika. Lumaki ang Theranos dahil sa milyon-milyong investments na nakuha niya. Ginawang star si Elizabeth ng media; sinasabing siya ang katumbas ni Steve Jobs sa larangan ng medisina. Pero ang kanyang gadget ay hindi naman pala totoong makakapag-analyze ng dugo.
Dumami ang nagpa-analyze ng dugo at napadalhan sila ng questionable blood analysis.
Hindi lamang nagbayad ang mga tao sa serbisyong may depekto, kundi binigyan sila ng maling impormasyon tungkol sa kanilang dugo na naging batayan ng pagbabago ng gamot na iniinom na hindi dapat inumin o nagdulot ng takot at pag-aalala sa kanilang kalusugan.
Dahil sa milyon-milyong investment fund, inilagay sa peligro ang kalusugan ng mga tao. Ito ang halimbawa ng "endanger thy neighbor" na mas malalang pangloloko kumpara sa pagbebenta ng fake na gamot. Kinasuhan si Elizabeth dahil dito at nasentensiyahan na makulong nang mahabang panahon.
Prosper Thy Neighbor
Ang “prosper thy neighbor” ay kaisipang ipinalalaganap tungkol sa pag-unlad ng mga bansa. Hindi dapat umunlad ang isang bansa sa pamamagitan ng pagpapahirap sa ibang bansa. Halimbawa, mababa ang pasahod sa trabahador sa factory sa ibang bansa kaya mura ang benta ng produkto sa sariling bansa. Hindi dapat “dog eat dog world,” kundi “prosperity for all.” Hindi dapat “matira ang matibay,” kundi sama-samang pag-unlad.
Dito sa Japan, naging bahagi ng traditional business philosophy ang “Sanpo Yoshi.” Sa ingles ito ang “three-way satisfaction.” Ang benepisyo ng negosyo ay dapat hindi lamang sa nagtitinda kundi sa bumibili at sa local na komunidad rin. Prosperity for all – seller, buyer and local community. Ito ang pilosopiya na itinuturing na pinagmumulan ng Japanese version ng “corporate social responsibility.”
Walang Iwanan
Ang “walang iwanan” ay nagpapahiwatig din na tayo ay magkakaugnay. Hindi tayo hiwa-hiwalay. Sabi nga natin, ang “sakit ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan.” Ito ay kuha sa bibliya, at kaya isang napakatandang kaisipan – baka kasing tanda pa ng old testament. (If one part suffers, every part suffers with it; if one part is honored, every part rejoices with it. 1 Corinthians 12:26) Bakit ganito na ang kaisipan noong unang panahon? Marami na ang naiiwan noon pa man – mga balong babae, may sakit, mahihirap, matatanda at iba pang hindi maayos ang katayuan sa buhay. Kaya nga “blessed are the poor” ang sabi sa bibliya dahil sila ang naiiwan at nangangailangan ng tulong. Kaya na rin may “preferential option for the poor” sa simbahan dahil ito ay pagsasabuhay ng sabi sa bibliya na turo ni Hesus.
Simula sa ating sariling bakuran – sa pakikitungo natin sa mga taong nasa ating paligid – pairalin natin ang “prosper thy neighbor” at “walang iwanan.”
“We Prosper as One.”
© Jeff Plantilla 2023
Jeff Plantilla
ISANG ARAW SA ATING BUHAY
ni Jeff Plantilla
Meron na tayong bagong ritwal na dulot ng teknolohiya. Pag nasa restaurant, photo muna sa nakahain bago kumain. Minsan, photo muna bago prayer before meal.
Nguni’t gawain ko na yan nung wala pa ang smartphone o kahit cellphone na may camera. Photo muna bago inom.
Bago yan, may iba pa ako sasabihin.
Kailan lang sa isang supermarket ay nakita ko ang banana chips na mula sa Pilipinas – “Thins! Banana Slices.” Maganda ang packaging at may malinaw na tatak Pinoy. Ganyan dapat ang ating mga produkto.
Natuwa din ako sa isang canned drink na may pangalang “Sparkling Calamansi.” Mula sa Korea. Nalaman ko bago mag-pandemic na nagiging popular ang kalamansi bilang juice o flavor sa shake sa Seoul. Kaya siguro nagkaroon ng “Sparkling Calamansi.” Pero matagal na ring may “Calamansi Juicina” na gawa naman sa Japan.
Tungkol sa photo bago inom, isang produktong Pinoy ang aking hinahanap nung late 1980s pa. Ito ang San Miguel beer. Hinahanap ko ang SMB sa Indonesia, Hong Kong, Vietnam, Thailand at Nepal. Meron din sa Spain. Kaya ayan ang aking collection ng global SMB – gawa mismo sa mga bansang yan.
Ang katotohanan, maraming bagay ang nagkakapareho sa mga bansa dahil sa komersiyo. Halimbawa, dala ng mga negosyante ang ating mga produkto dito sa Japan mula 16th century o mas maaga pa.
Kaya sa ika-20 taon ng Jeepney Press mabuhay kayo at tagay!!!
© Jeff Plantilla 2023