Jeepney Press
July - August 2025
ni Karen Sanchez
Sa malawak na mundong ating ginagalawan,
May mga pangyayaring di natin lubos inaasahan.
May mga taong sa panaginip mo lang nasilayan,
Ngunit isang araw, sila’y nasa iyong harapan.
Isang pagtatagpong kapwa di ninyo alam,
Parehong nagtataka, parehong nagugulumihan.
Parang matagal na kayong magkaibigan,
Magaan sa loob, tila puso’y nahimlayan.
Di inaasahang ang isang sandaling pagkikita
Ay may hatid palang pagbabagong kay lalim at kay bigla.
Pilit mang pigilan at magkunwaring walang nadarama,
Hindi kayang dayain ang pusong may kaba.
Nagtatanong ka, "Bakit ngayon? Anong dahilan?"
Ito ba'y pagkakamali na hahantong sa kasawian?
O baka naman ito na ang inaasam-asam,
Na akala mo noon ay natagpuan na, ngunit mali ang laman.
Sa gitna ng lahat, ang puso ko’y magpapasa-Diyos.
Alam kong sa Kanya, pag-ibig ay tunay at lubos.
Anuman ang kahihinatnan, wala akong pagsisisihan,
Pagkat naging totoo, tapat, at dalisay ang naramdaman.
May - June 2025
ni Karen Sanchez
Tuloy Lang
Tuloy lang ang buhay at huwag sumuko
Kahit ilang beses man tayong mabigo
Kahit ilang beses pa tayong masasaktan
At kahit ilang beses tayong magiging luhaan
Tuloy lang tayo sa ating mga panagarap
Tuloy lang tayo sa ating pagsisikap
Hanggat hindi natin nakakamit
Mga bagay na tila sa atin ay ipinagkakait
Tuloy lang tayong lumaban
Kahit minsan tayo ay sugatan
Isiping ang lahat ay kasama sa buhay
Upang tayo pa ay maging matatag at matibay
Tuloy lang na tayo ay umibig
Hanggat tayo ay nakakaramdam ng kilig
Dahil ang ligaya sa puso
Ay isang espesyal na regalo
Na tayo lamang ang makakapagtanto
Tuloy lang sa ating mga adhikain
Kung ano mang makakapagpasaya sa atin
Maigsi lang ang buhay kung tutuusin
Kaya huwag na natin itong sayangin.
March - April 2025
ni Karen Sanchez
Babae Ka, Hindi Babae Lang
Lahat tayo'y isinilang ng isang babae,
Sa sinapupunang tigib ng pag-ibig at gabi.
Katuwang ang Diyos sa kanyang pagpili,
Upang sa kandungan niya'y unang namalagi.
Babae ka—hindi babae lang,
Sa mundong ito, may silbi at saysay.
Dahil sa iyo, may buhay na umiiral,
Kahit minsan, halaga mo’y di nabibigyang-dangal.
Tandaan mo, anuman ang marating,
Saan mang sulok ng mundo dumating,
Isa lamang ang ating pinagmulan—
Sa babaeng sa atin ay nagsilang.
Kaya sila’y dapat nating pahalagahan,
Lalo na kung pag-aaruga’y di nila kinulang.
Hirap at pasakit, di matutumbasan,
Habambuhay silang mahalin at ingatan.
Sapagkat sa paggalang at pagmamahal,
Biyaya ng langit ang siyang magbubukal.
January - February 2025
ni Karen Sanchez
Simplehan Lang
Simplehan lang ang buhay
Upang sumaya sa mga simpleng bagay
Huwag nang humangad ng sobra
Lalo na kung hindi naman natin ito kaya
Sekretong hindi naman malupit
Kahit sino ay pwede itong makamit
Huwag lang tayong magpanggap
Kahit tayo na ay hirap na hirap
Simplehan lang ang mga bagay
Tamang sabay lang sa agos ng buhay
Upang hindi masyadong masaktan
Kung minsa’y dumating man ang kabiguan
Simplehan ang isipan
Ganun talaga ang buhay minsan
May salat, may ginhawa
May lungkot, may saya
Ang mahalaga ay nagpakatotoo ka
Lumaban ng patas at di namantala
Dahil diyan mararamdaman ang pagpapala
Na minsan ay matalinhaga at di kapani-paniwala