JEEPNEY PRESS
ni Jeff Plantilla
JEEPNEY PRESS
ni Jeff Plantilla
May - June 2026
Minsan, ang halaga ng mga karaniwang bagay ay hindi natin naiisip o nalalaman. Bigla na lamang lilinaw na may malalim o malawak na kahalagahan pala ang mga bagay na ating nakikita sa araw-araw.
Pagtatanim ng Palay
Sa isang workshop sa Korea, ang director ng DMZ Peace-Life Valley ay nagpaliwanag ng kasalukuyang problema ng mundo. Isa doon, sabi niya, ay hindi na natin pinag-iisipan ang halaga ng kanin na ating kinakain araw-araw. Ipinaliwanag niya na ang bawa’t butil ng kanin (o bigas) ay resulta ng maraming bagay. Ito ay nabuo dahil sa araw – nagbibigay ng enerhiya ang araw para lumaki ang tinanim na palay. Mula sa pagtatanim ng binhi ng palay hanggang magkabunga, kailangan ang sikat ng araw.
Kailangan ang magsasaka sa paghahanda ng binhi ng palay at pagtatanim sa palayan – mula sa pag-aararo ng lupa pagtatanim, pagpapatubig, pagbabantay sa lumalaking palay – hanggang sa pag-ani ng palay. Kailangan ng tubig habang lumalaki ang palay. Aalisin lamang ang tubig sa palayan kapag bumunga na ang palay. Kailangan ng tamang panahon para sa pagpapatubo ng palay. Hindi dapat maulan at walang bagyo kapag bumubunga na ang palay. Kailangan din na bantayan ang palayan – inaalisan ng damo ang pilapil, nilalagyan ng pataba at pesticide, binabantayan na hindi kainin ng kuhol ang dahon o bulaklak ng palay at hindi kainin ng mga daga ang palay na pinahihinog, inaalisan ng tubig ang palayan, pinahihinog ang palay, inaani at pinatutuyo ang palay, at pinakahuli ay pinakikiskis ang palay para maging bigas. Ibig sabihin, ang bawa’t butil ng bigas ay nabuo dahil sa lupa, araw, tubig, at hirap ng tao.
May kinalaman ang natural na kapaligiran, kasama ang araw at tao, sa pagkakaroon ng bigas. Ibig sabihin, hindi basta-basta nagkakaroon ng bigas. Ito ay hindi natin iniisip sa ating pagkain ng kanin.
Rice is Life
Kanin ang ating pang-araw-araw na pagkain. Ang mga nasa labas ng Pilipinas na hindi makakain ng kanin ay nanghihina. Kailangan natin ng mabigat na laman sa tiyan at iyan ay dapat kanin.
May nabasa ako na sabi ng isang Pilipinong boksingero na kapag hindi siya nakakain ng kanin bago ang laban, pakiramdam niya ay kulang siya sa lakas. May sobra rin namang kumain ng kanin. Kadalasan ay isang bundok ng kanin sa plato ang kinakain. Mayroon sa Pilipinas na “unli rice” – lalong sumosobra ang kain ng kanin. Pero sabi nga, ang anumang bagay kapag labis ay masama. Sa sobrang dami ng kain ng kanin, sakit ay darating tulad ng diabetes. Kung mapasarap ang kain dahil sa masarap na ulam tulad ng karne, heart attack at iba pang sakit ang sinasapit. Rice is life, pero too much rice can shorten life or make living a form of suffering.
Ang Nagbibigay ng Bigas
Sa Pilipinas, may gusto na pababain ang presyo ng bigas. Pero hindi kikita ang magsasaka kung sobrang baba ang presyo ng bigas. Paano na ang mga gastos ng magsasaka para makapagtanim at makapag-ani ng palay? Kailangang may disenteng kita sila pagkatapos alisin ang gastos sa patubig, pataba, pesticide, at iba pa. Kapag niloko pa ng mga traders/mangangalakal, kung tataas ang presyo ng bigas, hindi magsasaka ang kikita kundi ang mangangalakal at manininda.
Kaya siguro may mga magsasaka na ayaw nang magtanim ng palay. At maraming magsasaka ng palay ang nananatiling mahirap kahit napakahalaga ng kanilang produkto. Sa Japan, protektado ang magsasaka ng palay at ang palay/bigas mismo. Sinisigurado ng gobyerno na may sapat na kita ang mga magsasaka. Kontrolado ang rice production at marketing. May sinasabing subsidy mula sa gobyerno sa magsasaka para hindi magtanim ng palay at hindi sumobra ang supply ng bigas sa palengke na magpapababa ng presyo ng bigas. Kontrolado rin ang importasyon ng bigas. Dahil dito, hindi mura ang Japanese rice. Kasama na rin ang pagsisiguro ng quality ng Japanese rice, at ang proteksyon ng variety ng bigas – Japonica.
Kasama sa national pride ang Japanese rice kaya iyon ang kinakain ng mga Hapones. Kaya ayaw nilang mawala ang Japanese rice variety. Dahil sa pumutok ang Mt. Pinatubo noong 1991, naapektuhan ang klima ng mundo mula sa volcanic ash na bumalot sa atmosphere. Naging malamig ang summer at hindi nakapag-ani ng sapat na dami ng Japanese rice. Dahil sa Japanese rice shortage, nag-import ng bigas. Pero may mga Hapones na ayaw magbenta ng imported rice kaya itinapon na lamang ito. May mga Hapones din na ayaw kumain ng imported rice—para lamang daw iyon sa hayop.
Rice – Symbol of Life
Ang bigas ay pagkain, pangkabuhayan, mahalagang bahagi ng ekonomiya, bahagi rin ng national pride dito sa Japan, at nakasalalay sa maayos na panahon lalo na sa sikat ng araw.
Pero kung tutuusin, sa Pilipinas, pinaliliit natin ang lawak ng lupa para sa palayan (ginagawang subdivision o bahayan), kulang sa suporta (kulang sa subsidy para sa binhi, pataba, pesticide, irrigation, processing, storage, at marketing), at proteksyon (sa dapat na laki ng kita) ang mga magsasaka. Ang bawa’t butil ng bigas ay mahalagang bahagi ng ating buhay—sa magsasaka at sa taong nangangailangan ng pagkain.
JEEPNEY PRESS
ni Jeff Plantilla
March - April 2026
Minsan sa isang karaoke, kinanta ng isang batang Pilipino ang kanta ni Basil Valdez. Tinanong ko siya, bakit alam mo yang lumang kantang yan? Ang sagot niya: nire-revive daw sa Pilipinas ang mga lumang kanta ng mga bagong singers at banda.
Dalawang bagay ang naiisip ko. Una, masarap balikan ang mga lumang kanta - na sa akin ay walang kakupas-kupas. Pangalawa, masarap din pakinggan ang mga lumang kanta na may makabagong interpretation. Refreshing na marinig ang mga lumang kanta sa makabagong paraan. At nagkakaroon ng panibagong kahulugan ang lyrics at tunog sa mga revivals nila.
Marami na ngayon ang ganyang revival o cover ng mga lumang kanta na masarap pakinggan. May kantang pinasikat ng babaeng singers na ini-interpret ng mga lalaking singers (tulad ng Retrovivals na gawa daw ng AI) - kasama ang 1985 party theme song ni Sharon (balutin mo theme song na jazz style).
Dorado phenomenon
Pero lalo pang kahanga-hanga kung gagawin ang revival o cover ng mga kanta sa ibang wika sa ibang bansang may ibang kultura.
Kung ang Pilipinas ay nasakop ng K-Pop, si Gwyneth (Gwyn) Dorado ay sumasakop sa mga Koreyano sa pamamagitan ng kanyang pagkanta ng lumang kantang Koreyano.
Dorado performing "Memory Practice" | Source: jtbc
Source: Biz Tribune (http://www.biztribune.co.kr)
JTBC's 'Singer Again 4' Gwyn Dorado @JTBC capture
Source: News Korea (http://www.newskorea.ne.kr)
May isang vlog sa YouTube ng 2 Koreyano na nagsasabing gustong-gusto nila ang mga revivals ni Gwyn hindi lamang dahil mga hit songs ang mga ito kundi dahil sa galing ng kanyang interpretation sa mga kanta. Mas mahirap ang kanyang style kaya parang bagong bihis ang mga kanta. Sabi nila na yung mga Koreyano na nasa labas ng Korea ay fans na rin ni Gwyn dahil sa mga revival songs niya.
Sa galing ng interpretation ni Gwyn sa mga Koreyanong kanta, naiiyak daw yung isang vlogger habang nakikinig. At ang mga judges sa Sing Again 4, isang singing contest sa Korea na kinantahan niya, ay humahanga din.
Nakasulat sa vlog sa YouTube ang paghanga kay Gwyn:
“This is what a real world-class vocalist sounds like.”
Experience the intensity and emotion of Dorado’s legendary performances — live and uncut.
Stunning Korean song interpretations by a Filipino singer
Stage mastery, vocal technique, and emotional delivery
(ORIGINAL vs DORADO EP01 — This Is Unfair! #dorado #singagain4 #iwantyou #도라도 #싱어게인4 - https://www.youtube.com/watch?v=96dyi-20i9k)
Second place si Gwyn sa Sing Again 4 (2025). Pero baka mas malaki ang impact niya dahil kahit hindi siya Koreyano kaya niyang kantahin ang mga hit songs na kantang Koreyano. Dagdag sa tamang pagbigkas ng wikang Koreyano, napakagaling ng kanyang song interpretation at vocal power.
Kwon In-wook, Chairman of Gyeonggi Love Fruit, Dorado, and Hwang In-sik, Secretary General of Love Fruit (from left) pose for a commemorative photo to commemorate Dorado's membership in the Sharing Leaders program. Love Fruit (https://v.daum.net/v/PWD7sDLxiJ)
Sabi nung isang vlogger, tinatanong siya ng mga Koreyanong nakikita niya: napanood mo na ba si Dorado? Ito ay palatandaan ng impact ni Gwyn sa mga nakapanood sa kanya.
Singers sa Japan
Nabanggit minsan ng asawa kong Haponesa na mas gusto ng ibang Hapones ang sariling style ng kanta kaysa sa perfect imitation. Siguro ay madami sa ating singers sa Japan ay kumakanta na halos pareho sa original. Sa tingin natin ay kahanga-nga ang maging Mariah Carey o Celine Dion o kung sinumang sikat na singer sa America. Pero sa ibang Hapones, ang hinahanap nila ay originality o sariling interpretation ng kanta.
Ipinakita ni Gwyn na mas mabuti ang may sariling style ng pagkanta dahil lumalabas doon ang kanyang galing sa pagkanta – sariling style hindi gaya-gaya.
Naalala ko si KZ Tandingan sa kanya performances sa isang Chinese singing show (Singer 2018, Hunan TV). Tulad ni Gwyn, may sariling interpretation ng kanta si KZ–hindi imitation ng original.
Pilipinas at ang makabagong uri ng pagkanta
Nakakatuwa na ang ating mga batang singers at musikero sa Pilipinas ay may sariling interpretation sa mga lumang kanta. Hindi sila imitation lamang, original sila. Yun ang maganda, hindi sunod lamang sa mga sikat - Amerikano o Pilipino o Koreyano man. Mahalaga na sariling pang-unawa sa kanta ang masunod – ang pagtingin sa kanta sa mata ng kasalukuyang henerasyon.
Siguro ang mensahe ay ito: mas magandang pakinggan ang kakaibang interpretation ng kanta na dati na nating nagugustuhan. Basta’t magaling ang pagkanta at may paggalang sa kanta.
May isang Pilipinang jazz singer (Nickie Mossman) na kumanta sa Osaka ng My Way sa kanyang sariling jazz style. Sa una ay hindi nakilala ng isang Hapones ang kanta. Habang kumakanta siya saka palang nakilala yung kanta.
Sabi niya, “Ah…My Way ka.” May ibang dating ang sariling interpretation ng kanta.
Sa unang “Kapihan at Talakayan sa Kansai” nung 2017 sa Osaka, hindi malaman ng mga nakikinig kung anong kanta ang kinakanta ni Lorna Cifra. Nag-scat siya muna bago kantahin ang lyrics ng Maalala Mo Kaya sa jazz style. Mula doon, nakikisabay na sa kanta ang mga tao. Kay Lorna mahalaga ang jazz improvisation.
Sa isang bansang binibigyan ng malaking halaga ang pagsunod sa itinalagang sistema, natatanggap pa rin sa Japan ang kakaibang pamamaraan sa mga bagay-bagay. May mga Hapones na hindi conformist at nabibigyan ng pansin sa pagiging tokubetsu.
Ang mahalaga ay maipakita ang galing o ganda ng bago o kakaibang pamamaraan.
JEEPNEY PRESS
ni Jeff Plantilla
January - February 2026
Sa bilis ng takbo ng panahon, maraming bagay ang hindi natin napapansin na nangyari o nagawa na. Hindi natin akalain na marami na palang nagawa sa loob ng mahabang panahon.
Ang pag-alala sa mga nagawa o nangyari ay bahagi ng pagdiriwang sa anibersaryo ng isang samahan. Masayang ginugunita ang mga bagay na pinaghirapan at may mabuting naidulot sa iba.
Masayang Tahanan – ika-10 Taon
Napakiusapan akong magbigay ng mensahe para sa ika-sampung anibersaryo ng isang NPO sa Kobe, ang Masayang Tahanan. Siguro ay dahil ito sa aking pakikipag-ugnay sa mga tao sa Masayang Tahanan kaya naisip na magbigay ako ng konting mensahe.
Ito ang aking isinulat:
Mensahe sa Ika-10 Anibersaryo ng Masayang Tahanan
December 7, 2025
Ang isang dekada ng Masayang Tahanan ay kasaysayan ng tagumpay ng pagtulong sa kapwa Pilipino dito sa Japan. Ang dekadang ito ay nagpapakita ng kagandahan at tapang ng loob upang matupad ang layuning tulungan ang mga kababayan, lalo na ang mga inang Pilipina na nagsisimulang mamuhay sa Japan at tinutulungang maging mahusay na miyembro ng lipunang Hapones.
Kahanga-hanga na hindi lamang nilayon ng Masayang Tahanan na ipagpatuloy ang makabuluhang kasaysayang ito kundi palawigin pa ang kanilang tulong sa kapwa Pilipino. Sa susunod na mga taon, magsisikap ang Masayang Tahanan na gumawa ng mga bagong proyekto - tulad ng paggawa ng mga video tungkol sa mga suliranin ng mga kababayan natin, paggamit ng social media para sa paghahatid ng impormasyon, at pagkakaroon ng website para sa marami pang mga mahahalagang impormasyon.
Walang ibang grupo ng mga Pilipino sa Kansai na may ganitong programa ng pagtulong sa kapwa Pilipino. Ang Masayang Tahanan ay isang modelo na dapat tularan.
Talagang hinahangaan ko ang Masayang Tahanan dahil sa kanilang program para sa ating mga kababayan.
Masayang Tahanan Christmas Party 2025
Pagsisimula
Nagsimula ang Masayang Tahanan sa tulong ng ilang kababaihang Hapones na tumutulong sa mga Pilipina nung 1990s. May mga Pilipinang inabuso sa trabaho, sa bahay (bilang asawa), o iniwan pati ang anak ng asawang Hapones at iba pang problema. Ang mga Haponesang ito ay miyembro ng Asian Women’s Empowerment Project (AWEP) sa Kobe city. Layunin ng AWEP “to create a society in which Asian women can live proactively with dignity without being harassed with violence or exploitation.” Ang mga Haponesang ito ang tumulong na itatag ang Masayang Tahanan nung 2014.
Jean Noda, Kazumi Moriki, Setsuko Kashima at Fhoy Guchi
Nagpalabas ang Masayang Tahanan ng isang newsletter na may pangalang Kapit-Bisig, 4 na beses sa isang taon. Ang newsletter ay may “information regarding employment, social welfare, labor laws and other practical issues.” Kasama sa tinalakay sa Kapit-Bisig ang mga batas at programa ng Japan tungkol sa migrant workers at ang divorce – mga isyu na hinaharap ng mga Pilipino sa Japan.
Mga Gawain
May ilang programa ang Masayang Tahanan para sa mga kababayang nasa Kobe city at sa iba pang lugar. Merong Japanese language courses para sa mga Nanay (Nanay Japanese class) at mga OFWs; may consultation service; may mga activities para makilala ang mga lugar sa Japan; may mga serbisyo para sa mga anak (Bata Batuta Study Classroom, Ate-Kuya Study Classroom, Mother tongue class for children). May mga Hapones na boluntaryong tumutulong sa pagpapatupad ng mga programa ng Masayang Tahanan.
Meron din silang radio program para sa pagpapahayag ng mga mahahalagang impormasyon sa ating mga kababayan. Ito ay binobroadcast ng FMYY, isang sikat na community radio sa Kobe city na itinayo nung 1995 dahil sa Hanshin Earthquake at para sa mga residenteng hindi Hapones. Ang radio program ng Masayang Tahanan sa FMYY ay mapapanood din sa YouTube.
At dahil sa Hanshin Earthquake nung 1995, ang Masayang Tahanan ay may mga gawain tungkol sa disaster preparedness. Nagbibigay ng seminar, drill at kalendaryo na nagpapaliwanag kung paano maghahanda sa disaster at kung ano ang gagawin o saan pupunta kung may disaster.
Kalendaryo ng Masayang Tahanan para sa 2026
At tulad ng aking isinama sa mensahe nung Disyembre 2025, magsisimula din ng “paggawa ng mga video tungkol sa mga suliranin ng mga kababayan natin, paggamit ng social media para sa paghahatid ng impormasyon, at pagkakaroon ng website para sa marami pang mga mahahalagang impormasyon.”
10 Taon
Sa loob ng sampung taon, maraming nagawa ang Masayang Tahanan na nakatulong sa mga kababayan sa Kobe city at iba pang lugar.
Kahanga-hanga ang mga Pilipinang namamahala sa Masayang Tahanan. Hindi sila tumigil sa pagtulong sa mga kababayan bilang bahagi ng Masayang Tahanan. Kung hindi sila nag-iisip ng pagtulong sa mga kababayan hindi magkakaroon ng Masayang Tahanan.
Ang Masayang Tahanan ang nag-iisang NPO sa Kansai na pinalalakad ng mga Pilipino at para sa Pilipino.
Tinapos ko ang aking mensahe nung Disyembre 2025 sa ganitong pananalita:
Mabuhay ang Masayang Tahanan! Mabuhay ang mga taong matagal nang nasa likod ng Masayang Tahanan - Pilipino at Hapones!