Jeepney Press
Jeepney Press
ni Anita Sasaki
January - February 2026
May munting serbisyo po kami para sa inyo simula Enero 2026. Sa column na ito, ikukuwento ko po ang
“Paano ang Tumatanda sa Bayang Hapon” — simple, totoo, at base sa aktuwal na karanasan ng mga seniors dito sa Japan.
Para sa unang kuwento, eto na po ang updated at madaling intindihin na paliwanag tungkol sa Senior Daycare Services sa Japan at kung sino-sino ang puwedeng gumamit nito.
Ang day service ay parang “araw na alaga” para sa mga seniors.
Hindi po ito hospital at hindi rin retirement home.
Pumapasok lang ang senior sa isang pasilidad sa araw, tapos uuwi rin sa sariling bahay sa hapon.
Sa day service, puwede silang:
tulungan sa pang-araw-araw na gawain
kumain ng maayos at masustansiyang pagkain
makisalamuha, makipagkuwentuhan, mag-exercise, maglaro
makatanggap ng basic medical check at support
Malaking tulong ito para:
hindi ma-bored ang senior
manatiling aktibo ang isip at katawan
mabawasan ang pagod ng nag-aalaga sa bahay
Bahagi po ito ng Long-Term Care Insurance ng Japan
(介護保険 / Kaigo Hoken).
Hindi po lahat ay puwedeng basta pumasok. May proseso po ito.
65 taong gulang pataas
Automatic na kasama sa insurance. Kailangan lang ma-approve.
40–64 taong gulang
Puwede rin, pero kung may seryosong sakit na kabilang sa listahan ng gobyerno (ex. stroke, ilang cancer, ALS).
Ito po ang pinaka-importante.
Iche-check ng city hall:
kalagayan ng katawan at pag-iisip
opinion ng doktor
actual na sitwasyon sa bahay (may home visit)
Pagkatapos, bibigyan ka ng care level:
Support Level 1–2 (konting tulong lang)
Care Level 1–5 (mas kailangan ng alaga)
Depende sa level mo, doon malalaman:
kung puwede kang mag-day service
gaano kadalas
anong klase ng serbisyo ang sagot ng insurance
Sa madaling salita:
Kung senior ka na at nahihirapan na sa araw-araw na gawain, may sistema ang Japan para hindi ka pabayaan at hindi rin ma-burnout ang pamilya.
Itutuloy po natin ito sa susunod na isyu.
Pag-uusapan naman natin kung paano mag-apply step-by-step.
Hanggang sa susunod na kuwento,
Nanay Anita