Jeepney Press
Binibining Makata
Karen Sanchez
Karen Sanchez
May - June 2026
Maging Totoo
Sa mundong ito na puno ng pamemeke,
Hindi lang pagmumukha kundi pati ugali,
Minsan mahirap na itong kilatisin,
Dahil wala ka nang kakaibang mapapansin.
Ang tunay na labanan ay magmumula sa atin,
Piliing maging totoo kahit ang iba’y sinungaling,
Dahil kahit saan pa tayo makarating,
Ang pagiging totoo ay makaluluwag sa ating damdamin.
May mga salitang mahirap mabitawan,
Dahil marami kang damdaming masasaktan,
Kaya’t minsan mas nanaisin mong manahimik,
Para hindi ka na rin makasakit.
Ang pagiging totoo ay nakakaganda,
Sapagkat makikita ito sa iyong aura,
Minsan hindi ito maipapaliwanag ng mga mata,
At ibang tao na rin ang unang makakapuna.
Kaya sa lahat ng oras, piliin mong maging totoo,
Hindi para sa iba kundi para sa sarili mo,
Dahil masarap ang walang kaba sa dibdib,
At walang anumang sa’yo ay magliligalig.
Karen Sanchez
March - April 2026
PASAHERO
Lahat tayo ay mga pasahero
Sa biyahe ng buhay dito sa mundo,
Na walang sinuman ang nakatitiyak
Kung hanggang kailan tayo’y sasakay rito.
Kahit alam mo kung saan ka patutungo,
Madalas pa rin itong nauuwi sa pagkabigo.
Kung hindi ka man minsang maliligaw,
May iba namang mas nauuna pang pumanaw.
Kaya’t sakyan lang ang biyaheng ito,
Damhin at pahalagahan ang bawat sandali at tanawin mo.
Mahalin ang mga bagay na napapasaiyo,
Sapagkat hindi lahat ay pinagpalang tulad mo.
Anuman ang ating pinagdaanan—
Lubak, baha, at minsan pa’y putikan—
Ang mahalaga’y atin itong nalagpasan,
At patuloy pa rin sa nais nating patunguhan.
Tara, sabay-sabay tayong papara,
Sabay-sabay din tayong bababa.
Balikan natin ang mga alaala
Na sa atin ay nagbibigay pag-asa
Sa patuloy nating pamamasada.
Karen Sanchez
January - February 2026
Hagibis
Ang oras, di na natin namamalayan,
Isang araw ay biglang nagdaan.
Tila ipo-ipong hagibis na sa atin ay dumaan,
At ang mga araw ay naging isang buwan.
Pagkaraan ng Pasko at Bagong Taon,
Pasasalamat ang karaniwang tugon,
Sapagkat nalampasan ang hagibis ng taon,
At muling humaharap sa panibagong hamon.
May sari-saring kuwento ang bawat isa,
Iba’t ibang anyo ng pakikibaka;
Samu’t saring mga pinagdaanan at paksa,
Ngunit iisa ang hiling ng bawat puso’t diwa.
Maging maligaya, marangal at tahimik,
Ang nais ay totoo—walang peke o gimik;
Buhay na may saysay ang minimithi’t ibig,
At pusong marunong sa tunay na pag-ibig.
Ano mang kapalaran ang mga nakaabang,
Tanging Diyos Ama lamang ang nakaaalam;
Kaya’t mabuhay nang ayon sa ating hangad,
Upang sa huli’y walang pagsisisi o hinagpis.
Ang buhay ay hiram—di tiyak, mabilis, hagibis.